Thursday, July 29, 2010

"Punsong Bato"

1
Nagsimula ng alas – otso
sa Liana’s nagkita tayo;
Isang buong araw lang ito
hindi dapat maatrasado.

2
At iyon nga ang nakapangyari
Tamang oras nagkita kami;
“Santiago dos” aming biniyahe
Sa drayber “tarangka” lugar na sinabi.

3
Makalampas lamang ng mahabang tulay
Umaho’t lumiko ng kaliwa ang gabay;
Matapos ay kanto malaking puno ang bantay
bumaba na kami sa pagkakasakay.

4
Doon ang panimula ng aming lakbayin,
Matapos ng kabahayan simula nang ahunin;
“mangkit at amorseko” madikit, matalim,
Sa init ng araw lalong mapapansin.

5
Nang may isang oras, nagpahinga sa burol;
Sa ilalim noo’y may tubig na sibol
Uminom, sumalok botelyang aming baon
At nakipaghunta pa kay Pedrong tagaroon.

6
Ilang sandali pa’y nangaghanda na naman
“Sitio Bignayan” amin nang nilisan
Patuloy na nilandas ang gubatang daan
Na sa dulo nito’y burol na hangganan.

7
Matapos tawirin maliit na ludlod
Kasunod naman ay bayabasang gulugod
Sa gilid ng cogonan bumaybay at sumuot;
At saka bubungad bahagdan nitong pusod.

8
Doon ay nagpasya na tumigil panandali
Ganda ng paligid na walang pasubali
Bagaman talampas ang magkabilang tabi
Init, hirap at takot agad na mapapawi.

9
Nabighani sa lugar at kami’s nanahan
Matapos dumulog tuloy na naghuntahan
Sarap ng hangin na pumapagaspas
Nagpasya pang umidlip kulang isang oras.

10
Manaka-nakay mulat sumandal ang kaharap
Parang sinasabing “kayo’y aking tinatanggap”
Kaya’t nang kumulimlim ako’y bumangong ganap
Sumiksik sa guang, dingding ay niyakap.

11
Malakas ang hangin, matingkad ang araw
Isang maling hakbang, maari kang pumanaw
Ngunit dahil narin sa kakaibang tanaw.
Kaligayahan sa pagdating ay nag-uumapaw

12
At eto na nga ako sa taluktok nitong dulo
Bubungan nitong lugar na kinatatayuan ko
Ikaw nga’y totoo o “Punsong bato”
Aking dasal at pangako “muling magbabalik sa iyo”.